Dakilang Kapistahan ng Mahal na Patrong si San Roque, ipinagdiwang
Matapos ang pagsisiyam sa Mahal na Patron na si San Roque, ipinagdiwang ng mga deboto ang kanyang kapistahan ngayong araw.
Hindi naging hadlang ang pandemya para sa mga nag-aalab na puso ng di mabilang na mga deboto ng sila ay dumalo sa pagdiriwang ng banal na misa sa ikaanim ng umaga na pinangunahan ng Arsobispo ng Lingayen-Dagupan at taal na anak ng Pateros na si Lub. Kgg. Socrates B. Villegas, pisikal man na presensya o sa pamamagitan ng livestreaming mass.
"Ang masugatan ay bahagi ng pagiging tao. Hindi lamang masasama ang nasusugatan, hindi lamang careless ang nasusugatan. Ang lahat ng tao, kasama sa ating tadhana ay dapat masugatan para mabuo ang ating pagkatao", ani ng Arsobispo.
Dagdag pa niya, "Kung totoo man ito, ito ay totoo rin sa atin. Kasi pag natapos ang buhay natin, hindi tayo tatanungin, "Are you flawless?", hindi tayo tatanungin, "How is your skin?" Ang itatanong sa atin ay "Where are your wounds?" because those are proof that we are disciples of God".
Sinundan naman ito ng prusisyon na umikot sa kahabaan ng mga kalye sa bayan ng Pateros.
Ipinagdiwang rin ang Misa Concelebrada sa ganap na ika-sampu ng umaga na pinangunahan naman ng Obispo ng Pasig na si Lub. Kgg. Mylo Hubert C. Vergara, D.D na dinaluhan rin ng iba't ibang lingkod ng simbahan at mga deboto.
Ayon sa Obispo, dapat nating kalimutan ang ating sarili at buhatin ang ating krus sa ating buhay. Sinabi niya rin kung paano aakapin ang sariling krus sa pamamagitan ng tatlong hakbang. Una, manalig lamang sa Diyos. Ikalawa, magtiwala kay Hesus. Ikatlo at panghuli, pag-asa sa buhay na walang hanggan.
Ani niya, ang pag-asa ay pag-asa na tatamuhin natin ang luwalhati ng langit, luwalhati ng buhay na walang hanggan.
Nagkaroon din ng pagdiriwang ng banal na misa sa hapon na sinundan ng sagala at prusisyon ng limang pangunahing imahen ng Bayan ng Pateros na sina San Roque, Santa Marta, San Isidro Labrador, Santo Rosario at Santa Ana na umikot muli sa mga piling kalye sa bayan ng Pateros at sinundan muli ng huling banal na misa para sa kapistahan ng Mahal na Patron.