SINO SI SAN ROQUE?
Si San Roque ay nag-iisang anak ng isang gobernador mula sa Montpellier sa bansang France. Ipinanganak siyang may isang pulang ba-lat sa dibdib na hugis krus, tanda ng katuparan ng panalangin ng kanyang ina sa Mahal na Birhen na gumaling siya mula sa pagkabaog.
Bata pa lang ay nagpamalas na ng malalim na pananampalataya sa Diyos si San Roque batay sa ehemplo na ipinakita ng kanyang ina. Dalawampung taong gulang si San Roque ng siya’y maulilang lubos at minana niya ang kayamanan ng kanyang mga magulang. Ipinamahagi niya itong lahat sa mga mahihirap samantalang ang kanyang tiyuhin ang pumalit sa puwesto ng kanyang ama bilang gobernador ng kanilang bayan. Dahil dito pinili niyang namuhay bilang isang peregrino o manlalakbay.
Bilang isang manlalakbay, inikot ni San Roque ang iba-ibang mga lugar sa Roma. Nang mapadpad siya sa Aquapendente malapit sa Viterbo, nalaman niyang isang salot o epidemya ang nameste sa lugar na ito. Kahit delikado sa sarili niyang kalusugan, naglingkod si San Roque sa mga tao at maraming maysakit ang kanyang napagaling sa pamamagitan ng pagantanda ng krus sa kanila. Dahil dito nailigtas niya ang bayan ng Aquapendente mula sa panganib ng salot. Ang pagpapagaling na ito ay kanyang ginawa sa bawat bayan o lugar na kanyang dinayo. Nang mapunta siya sa bayan ng Piacenza, doon ay nahawa siya ng nasabing salot at nagkaroon siya ng sugat sa kanyang hita. Dahil dito, pinili niyang ilayo ang kanyang sarili mula sa mga tao upang di makahawa at namuhay siyang mag-isa sa kagubatan. Isang aso, na alaga ng isang lalaking nagngangalang Gotardo, ang milagrong tumulong kay San Roque sa pamamagitan ng pagdadala nito ng pagkain at pagdila sa kanyang sugat. Isang bukal ang umusbong mula sa lugar na kanyang tinitigilan upang siya ay makainom ng malinis na tubig. Minsa’y sinundan ni Gotardo ang kanyang aso upang malaman kung saan niya dinadala ang pagkain. Doo’y natagpuan niya ang kalagayan ni San Roque. Tinulungan siya nito hanggang sa siya’y gumaling. Matapos nito’y naglakbay muli si San Roque pabalik sa kanyang bayang-sinilangan sa Montpellier.
Nasa ilalim ng giyera at kaguluhan ang kanyang bayan ng bumalik siya roon. Hinarang siya ng mga sundalo upang kilalanin, ngunit pinili niyang huwag ilahad ang kanyang tunay na pagkatao sapagka’t hindi na niya nais
pang bumalik sa marangyang buhay na kanyang tinalikuran. Sa kabila ng kanyang estado, hindi siya pinaniwalaan ng mga sundalo at inakusahan siya na isang espiya na nagtatago bilang isang peregrino. Siya ay hinuli at hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng sarili niyang tiyuhin na siyang ring gobernador noon. Tumagal pa ng higit sa limang taon ang kanyang buhay sa piitan. Nilimot siya sibilisasyon ngunit hindi siya pinabayaan ng Diyos.
Ayon sa kasaysayan, ng naramdaman ni San Roque na malapit na ang kanyang kamatayan, hiniling niya na dalawin siya ng isang pari upang tanggapin ang mga huling Sakramento. Pagpasok ng pari sa kanyang selda ay napansin nitong isang liwanag ang mistulang pumapalibot kay San Roque, tanda ng kanyang kabanalan. Nang sumapit ang kamatayan ni San Roque, isang tabla ang natagpuan sa kanyang ulunan at dito’y nasusulat, “Sinumang abutin ng salot at tumawag sa aking aliping si Roque ay ipag-aadya ko, alang-alang sa kanya.”
Nakarating ang balita tungkol kay San Roque sa kanyang tiyuhin at agad niyang dinalaw ang kanyang mga labi sa kulungan. Sumunod dito ang ina ng kanyang tiyuhin na kanya ring lola. Siya ang nagpatunay na kanyang apo si San Roque dahil sa ba-lat na nasa kanyang dibdib. Dahil dito ay binigyan siya ng isang marangal na libing at nagpatayo ng isang simbahang alay kanya at sa kanyang mga nagawa.
Si San Roque ay kinikilala bilang patron ng mga may kapansanan, mga aso, mga nag-aalaga ng aso, mga manlalakbay, at mga binata. Ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing ika-16 ng Agosto.
PANALANGIN KAY SAN ROQUE
O Dakilang San Roque, ipag-adya mo kami,
idinudulog namin mula sa awa ng Diyos;
Sa pamamagitan mo, maiangat nawa ng aming mga katawan sa mga nakakahawang sakit, at ang aming mga kaluluwa sa nakamamatay na kasalanan.
Alalayan mo kami na magamit ng tama ang aming kalusugan at batahin ang mga paghihirap ng may tiyaga; at sa pamamagitan ng iyong halimbawa ay amin din tamasahin ang kaligayahang iyong nakamit sa bisa ng iyong mabuting kaugalian.
Gamot, biyaya ng langit sa lahat ng sakit sa iyo,
mahal na San Roque, mediko sa alinmang salot at karamdaman.
(Tahimik na ipanalangin sandali ang kahilingan)
O Mahal na Patrong San Roque, ipanalangin mo kami. Amen.