FR. JHUN ITINALAGA BILANG REKTOR AT KURA PAROKO: SAMBAYANAN NG PATEROS, NAGPUGAY, NAGBUNYI.
Nagbubunyi ang mga mananampalataya ng Bayan ng Pateros sa pagtatalaga ng bagong rektor at kura paroko ng Dambanang Pangdiyosesis ni Santa Marta, Parokya ni San Roque, Reb. Padre Loreto ‘Jhun’ N. Sanchez, Jr. Ang rito ng pagtatalaga ay naganap sa nasabing dambana noong ika-30 ng Setyembre, 2021 sa Pagdiriwang ng Banal na Misa alay sa kapitapitagang San Roque, sa ganap na ika-6 ng gabi.
Ang banal na misa ay pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Pasig, kasama ang ilang mga kaparian ng diyosesis at karatig bayan. Sa umpisa ng misa ay binasa ni Reb. Padre Jeoffrey Brian Catuiran ang liham ng pagtatalaga ni Fr. Jhun. Naging saksi ang sambayanan ng Pateros at ang mga manonood sa facebook live streaming ng pagdiriwang na ito. Ito’y sinundan naman ng pagpapahayag ni Fr. Jhun ng kaniyang pananampalataya at pagtanggap sa kanyang tungkulin bilang bagong rektor at kura paroko ng dambana at parokya habang iginagawad ito ng mahal na obispo. Hindi maipaliwanag na galak ang naramdaman ng mga mamamayan, lalong lalo na ni Fr. Jhun habang ipinagkakatiwala ng mahal na obispo ang susi ng tabernakulo ng dambana at parokya na simbolo ng tanging kayamanan ng simbahan, si Kristo. Kaakibat din nito ang tagubilin ng mahal na obispo na alagaan, mahalin at gabayan ang kaniyang mga nasasakupan patungo sa Diyos.
Sa kaniyang homiliya binati ng ating mahal na Obispo si Fr. Jhun na nagdiriwang din ng kaniyang ika-42 na kaarawan sa araw din ng kaniyang pagtatalaga. Sumentro ang homiliya ng mahal na obispo sa pagsusugo ng mga disipulo, ang huwag pagdadala ng lukbutan, supot, o panyapak, at huwag nang tumigil sa daan upang magbatian. Pinaalalahan ng ating Obispo si Fr. Jhun na hindi magiging madali ang kaniyang paglilingkod at kahit makaranas ng may mga sumasalungat, ay dapat na maihatid niya ang kapayapaan ni Kristo at tuparin ang kaniyang misyon tulad ni Hesus na tinupad ang kaniyang misyon bilang kordero ng Diyos na nag-alay ng buhay upang maihatid ang kaligtasan; na ang kaniyang dadalhin lamang ay si Hesus at ang salita ng Diyos; at hindi dapat na tumigil kung saan, paglingkuran ang lahat at magpatuloy ng paglalakbay upang maramdaman ng lahat ang pag-ibig ng Diyos.
Bago matapos ang banal na misa ay nagbigay ng pahayag ng pasasalamat si Fr. Jhun, una sa kanyang ika-42 na kaarawan, pangalawa sa kanyang pagtatalaga bilang rektor at kura paroko ng dambana’t parokya at pagtitiwala sa kaniya ng mahal na obispo at pangatlo ay ilan sa mga kaparian ng diyosesis, si Fr. Vic Virtudazo bilang kahalili na pari, Fr. Edgar Barrameda bilang resident priest at school director, ang dating kura paroko ng dambana at parokya na si Fr. Jorge Bellosillo at mga naging kasamang kaparian na sina Fr. Tirso ‘Choi’ Giponeo at Fr. Gabriel Vidanes at lahat ng mga kapariang dumalo, ilang bisitang pari, mga organisasyon at mga lingkod ng simbahan at mga lingkod ng bayan ng Pateros at ang mga mananamapalataya na dumalo sa kaniyang pagtatalaga bilang kura paroko. Sa gitna ng kanyang pasasalamat ay humingi ng panalangin at sandaling katahimikan si Fr. Jhun para sa mga paring lumalaban sa sakit lalo na sa sakit na dulot ng Covid19. Nagbigay din ng pahayag ang alkalde ng bayan ng Pateros, kagalang-galang Miguel ‘Ike’ Ponce III, at pinasalamatan ang mga kaparian sa panahon ng pandemya at nagpahayag ng mainit na pagtanggap kay Fr. Jhun sa Pateros na ayon sa alkalde ay pinakamaliit na bayan sa kalakhang Maynila ngunit malaki naman ang puso. Siniguro ng butihing alkalde na patuloy na makikipagtulungan ang mga opisyal ng bayan ng Pateros sa simbahan lalo na sa panahong ito ng pandemya.
Bilang pagtatapos ay iginawad ng mahal na obispo ang huling pagbabasbas. Si Fr. Jhun ang ika-apat na Rektor ng Dambanang Pangdiyosesis ni Santa Marta at ikaapatnaput isang kura paroko ng Parokya ni San Roque.