ANG PAGBUBUKAS NG PINTO NG HUBILEO
ni: Marvin Jimenez
Ang Pagbubukas ng Pintuang Hubileo sa Dambanang Pangdiyosesis ni Santa Marta, Parokya ni San Roque, Bayan ng Pateros
Isang linggo matapos buksan ang Pintuang Hubileo ng Katedral ng Pasig ay binuksan naman ang Pintuang Hubileo sa Dambanang Pangdiyosesis ni Santa Marta, Parokya ni San Roque, sa bayan ng Pateros noong ika-24 ng Abril, 2021 sa ganap na ikapito at kalahati ng umaga. Ang pagbubukas ng pintuang hubileo ay pinangunahan ng lubhang kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, D.D., ang Obispo ng Diyosesis ng Pasig, kasama ang Parochial Vicar ng Dambana na si Reb. Padre Tirso "Choi" Gliponeo, na siyang nagbasa ng Dekreto na Apostolic Penitentiary, si Reb. Padre Jorge Bellosillo, ang kura paroko ng Dambana ni Santa Marta, Parokya ni San Roque, at Reb. Padre Robi Okol, ang ceremoniero sa makasaysayang pagdiriwang na ito.
Sinundan ng banal na misa ang pagbubukas ng pintuang hubileo sa pangunguna muli ng ating mahal na obispo at ng mga kasamang kaparian. Bago matapos ang misa ay nagbigay ng mensaheng pasasalamat ang kura paroko na si Reb. Padre Jorge Bellosillo na sinundan naman ng maikling mensahe mula sa butihing alkalde ng Pateros, Kagalang-galang Miguel "Ike" Ponce.
Sa pagtatapos ng misa ay iginawad ang pagbabasbas at ang indulhensya plenarya ng ating mahal na obispo sa mga nakiisa sa misa; sa mga dumalo at sa mga sumubaybay sa kani-kanilang tahanan sa pamamagitan ng onlayn o ng telebisyon.
Narito ang ilang kuhang larawan nila Jahbee Cruz at Albert Gerez sa ginanap na pagdriwang kanina sa Dambanang Pangdiyosesis ni Santa Marta, Parokya ni San Roque, Bayan ng Pateros.