SINO SI SANTA MARTA?

SI SANTA MARTA SA EBANGHELYO NI SAN LUCAS

Dinalaw ni Hesus sina Marta at Maria (Lucas 10:38-42)

Inilalarawan sa tagpong ito ang pagdalaw ni Hesus sa tahanan ng magkapatid na Marta at Maria habang Siya ay naglalakbay. Sa pagtanggap nila kay Hesus bilang panauhin, naging abala si Marta sa paghahanda at pagaasikaso ng mga bagay-bagay samantalang ang kanyang kapatid na si Maria ay mas piniling maupo sa paanan ni Hesus upang makinig sa Kanyang mga salita. Lubos na nag-alala si Marta at pinakiusapan si Hesus na pagsabihan ang kanyang kapatid na tulungan siya sa kanyang mga gawain ngunit ang naging tugon ni Hesus ay ganito, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag sa maraming bagay ngunit isang bagay lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi at ito’y hindi kukunin sa kanya.”

SI SANTA MARTA SA BAYAN NG PATEROS

Sa makasaysayang bayan ng Pateros, masasabing maihahalintulad ang milagrong iniugnay kay Santa Marta sa bayan ng Tarascon sa bansang France. Mahigit dalawaang daan taon ang nakalipas, ang bayan ng Pateros ay binulabog ng isang malaki at mapaminsalang buwaya na kung saan kinakain nito ang mga alagang itik sa pampang ng ilog. Ang pag-aalaga ng itik ang pangungahing kabuhayan ng mga taga-Pateros noon kaya lubos na ikinabahala ito ng mga mamamayan. Isinangguni nila ang sitwasyon sa isang prayle (pari) ng lokal na simbahan upang humingi ng payo at panalangin para mapuksa ang nasabing hayop. Ipinayo ng prayle na mamintuho sila kay Santa Marta dahil sa milagrong pagpapaamo nito sa halimaw na *Tarasque (“Tarask”) sa bansang France. Sinunod ng mga mamamayan ang payong ito at namintuho sila kay Santa Marta. Kaya, isang gabi, sa ilalim ng kabilugan ng buwan, habang namemeste ang buwaya sa pampang ng ilog, milagrong may isang makisig at matapang na lalaki (na tinaguriang bayani), tangan ang itak o bolo, ang sumugod sa kinaroroonan ng buwaya at pinatay ito. Ipinagbunyi ito ng mga mamamayan ng Pateros at iniugnay ang pagpuksa sa buwaya bilang isang milagro sa tulong ng pamimintuho kay Santa Marta. Kaya’t bilang pagkilala rito, isang imahen ni Santa Marta ang ipinagawa na kung saan siya ay nakatapak sa buwaya.

Tangan ng imahen ang krus at palaspas na siyang ginamit bilang pampuksa sa nasabing hayop, na kahalintulad sa imahen ni Santa Marta na matatagpuan sa bansang France.

Dahil sa pangyayaring ito, nagsimula at naging mayabong ang padedebosyon ng mga taga-Pateros kay Santa Marta. Magmula noon hanggang sa kasalukuyang panahon, maraming mga testimonya ng milagro at mga biyayang natamo ang iniugnay sa pamimintuho sa kanya. Kaya ang kanyang kapistahan ay dinarayo rin ng mga deboto mula sa mga karatig bayan at probinsya , at maging sa ibang bansa.


ANG MGA KAPISTAHAN

Dalawang beses ang pagdiriwang ng kapistahan ni Santa Marta sa bayan ng Pateros. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Pistang-Bayan o Pistang Pasasalamat alay kay Santa Marta

  • ipinagdiriwang tuwing IKALAWANG LINGGO NG PEBRERO (2nd Sunday of February) bilang paggunita at pasasalamat sa lahat ng mga milagro at biyayang iniugnay sa pamimintuho kay Santa Marta sa bayan ng Pateros.

2. Pistang Liturhikal (Liturgical Feast)

  • ipinagdiriwang tuwing IKA-29 NG HULYO (July 29)

  • ang opisyal na kapistahan ni Santa Marta na kinikilala at ipinagdiriwang ng buong Simbahang Katolika.

PAMPALAGIANG PANALANGIN KAY SANTA MARTA

O Diyos na makapangyarihan, dahil sa dakila Mong pagmamahal sa sangkatauhan ay nagkatawang-tao ang iyong Anak at nakipamuhay sa amin. Natagpuan niya sa iyong lingkod na si Sta. Marta ang walang pasubaling pagtanggap sa kanyang tahanan nang may masiglang paglilingkod at galak sa pakikipagkaibigan.


Nawa ay maging laging bukas ang aming puso sa pagtanggap sa iyong Anak na si Hesus na ang nais ay ang pakikinig sa kanyang Salitang nagbibigay buhay at tinawag na pinagpala ang lahat ng nagsasabuhay nito. Sa halimbawa ng ulirang pananalig ni Sta. Marta, ay maging buo ang loob namin na ipahayag na si Hesus ang Mesias, ang Anak ng Diyos, ang aming Buhay at Muling Pagkabuhay.


Pakumbabang iniluluhog namin na ibuhos mo ang Iyong masaganang pagpapala sa amin na nakaka-alaala sa malalim na pag-ibig at pananampalataya na ipinakita ni Sta. Marta sa iyong Anak. Alang-alang sa mga panalangin ni Sta. Marta ay ipagkaloob mo ang aking kahilingan (banggitin ang kahilingan) kung ito ay para sa kagalingan ko at kaluwalhatian mo.


At sa wakas ng aming paglalakbay dito sa lupa, ay masapit nawa ang tahanang inihanda ni Hesus para sa amin sa langit at mamalas ang iyong kaluwalhatian kasama ng lahat ng mga banal at ng lingkod mong si Sta. Marta. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.


Martang pintakasi namin, kami'y iyong idalangin.


(Magdarasal ng isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati para sa intensyon ng Santo Papa.)